Mga kataga

, , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , ,

“Ano ang tawag sa lalaking puta?… edi puto!”

Hiram na Ama. Yun lang ang natandaan ko, ang pamagat ng pelikula, hindi ko na maalala kung sino ang mga gumanap, o kung sino ang pasimuno ng ganitong uri ng palabas. Dinukot ko na lang ang maliit na tiket sa aking maluwag na bulsa upang basahin ang mga nakasulat; “Alta Theatre, Cubao, Aurora Boulevard,” at sa bandang ibaba ay may nakasulat na “P50,” ang pagkakaalala ko’y P80 yung siningil nung matanda sa bilihan ng tiket. Wala nang atrasan, naghihintay na lang akong tumutok ang mga kamay ng orasan sa 6:45 pm, dun magsisimula ang kasunod na pelikula, ngunit ang masaklap ay wala akong orasan. Nasa loob na ako ng sinehang mainit, at nakakakaba, hindi dahil walang aircon ang lintik na lumang sinehan, kundi dahil sinusuyod ng mga butil ng pawis ang aking gulugod at dibdib, at lumuluha na ang aking balat, dahil sa napapalibutan ako ng mga putang amang bading at call-boy na sinasamantala ang kalibliban ng sinehan upang magsipsipan ng ari, magbiyakan ng pwet, at maghanapbuhay. Bakit ba ako nandito?

Ginusto ko lang naman makapanood ng R-rated na pelikula sa isang lumang sinehan kahit isang beses man lang sa aking miserableng buhay. Hindi ko inakalang imbakan pala ng “longganisa” ang sinehang iyon.

Bigla kong nagunita ang isang biro sa isang kaibigan nung nasa unibersidad, “Ano ang tawag sa lalaking puta?… edi puto!” Andaming puto, umaali-aligid sa isang hintayan ng susunod na pelikula, sumusulyap ng tingin sa akin, hindi ko matukoy kung sino ang customer at kung sino ang naglalako. Hindi ko rin alam kung may bentahan din ba ng droga sa lugar na iyon o kung tambayan ng mga kriminal. Ang alam ko lang, wala akong balisong, ngunit may cutter ako na galing sa National Bookstore, matalim pa dahil bagong bili.

Tila sinasampal ako ng aking konsensya sa aking nagawang pakikipagsapalaran, parang sinisigawan ako, at pinipilit akong magsisi. Umalis na lang kaya ako dito… sayang P80 ko, at siyempre, wala akong maisusulat sa blog na ito kung umalis agad ako sa sinehang iyon. Pero umaapaw na ang aking pawis at kaba, paano kung wala talagang pelikula? Paano kung entrance fee pala ang binayaran ko?

Hanggang sa umugong ang sinehan sa simula ng pelikula, medyo lumuwag ang aking paghinga at nabawasan ang paghimas sa cutter sa aking kabilang bulsa. Medyo natuwa dahil hindi nasayang ang binayaran ko, sa kabilang banda ay nangamba sapagkat kailangan ko pang manatili sa parausang iyon, at lalu pang lumala noong nasa loob na ng mismong sinehan, madilim, at may mahinang pulang ilaw sa bandang gitna kung saan masisilayan mo ang nakapangingilabot na anino ng mga naninigarilyo sa upuan ng sinehan. “NO SMOKING” sabi ng isang malaking plaka na nakadikit sa pader sa labas ng sinehan, at katabi nito’y “NO ACTS OF INDECENCY.”

Lalong napahigpit ang hawak ko sa aking cutter, ngunit hindi ako nakaramdam ng takot noong mga panahong iyon, siguro ay dahil nakaranas na ako ng mas nakakatakot pang sitwasyon. Pero noong panahong iyon, naging matalik na kaibigan ko ang aking cutter.

Baklaan lang ba dito? Wala bang drug dealer o sindikato? Hindi ko lubos na  mapagtuunan ng pansin ang palabas, nagmamatyag ako sa gilid ng sinehan malapit sa pintuan palabas, pinapanood ang mga kalalakihang nakatayo sa kabilang gilid ng madilim at pulang entablado. Maraming bakanteng upuan, ayaw nila umupo, umaaligid lang sila sa gilid ng mga upuan, tangina, tatarakin ko yung unang puto na humawak sa akin, at tatakbo palabas ng sinehan. Pero hindi, ang mga nakaupo lang pala sa upuan ang nilalapitan nila. Sa tagal siguro ng kalakaran dito ay nakalikha na sila ng mga senyasan at pahiwatig, may sariling  wika sila, huwag kang umupo, huwag kang magkakamali.

Walang kwentang pelikula, panakip lamang sa mga kababuyang ikinabubuhay ng mga lalaking ito, at sa kanilang mga kostomer. Naalala kong R-rated lang pala ang mga pelikulang ito, at hindi X-rated, tanging ang ginagawa lang ng mga manonood ang X-rated sa lugar na ito, hindi ko na rin nasubaybayan dahil sa nararamdamang panganib, kahit wala naman.

Minabuti ko nang umalis sa sinehan bago pa makasubaybay ng makamundong paghahanap-buhay. Gusto kong murahin yung nagbebenta ng tiket, pero wala naman siyang kasalanan, kumaripas ako sa escalator na bulok papalabas ng sinehan, diretso sa Aurora Boulevard upang mag-abang ng jeep. Bago sumakay, naisipan kong lumingon muli sa tinakbuhang lugar, isang malaking poster ng pelikula ang nakapaskil sa tabi ng bilihan ng tiket, nakapinta ang pamagat: Hiram na Ama.